Patay ang apat na buwang gulang na babaeng sanggol at isang pulis matapos ang pananambang ng mga New People’s Army at NPA sa Bukidnon kahapon.
Ayon kay Philippine National Police o PNP Region 10 Spokesperson Superintendent Lemuel Gonda, binabaybay ng police mobile at isang SUV ang Barangay Tikalaan, bayan ng Talakag nang pagbabarilin ang mga ito ng mga rebelde.
Sakay ng SUV ang napatay na sanggol na may tama ng bala sa noo.
Habang sugatan naman ang dalawang babaeng kasama ng bata sa sasakyan, na kinilalang sina Ali Citi at Ali Aminsalam.
Sa kahiwalay na sasakyan naman, napatay sa ambush ang pulis na si SPO3 arnel P. Carillo habang sugatan ang tatlong pulis na kasamahan niya kabilang na ang hepe ng Bombaran Municipal Police Station.
Ayon kay Gonda, mayroon pang ilang sibilyan ang nasugatan sa pananambang.
Lahat ng mga ito ay dinala na aniya sa mga ospital sa Bukidnon at Cagayan de Oro City.