Namataan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang apat na barko ng China Coast Guard sa bisinidad ng Bajo De Masinloc o Scarborough Shoal sa West Philippine Sea.
Kasunod ito ng aerial surveillance ng PCG sakay ng Cessna 208 caravan sa WPS kahapon.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Artemio Abu, dalawang Chinese armed service ang nakita sa loob ng territorial waters ng Bajo De Masinloc habang ang dalawa pa ay nasa labas naman ng nasabing lugar.
Nilinaw naman ni Abu, na hindi nagkaroon ng tensiyon makaraang umikot ang tropa ng gobyerno sa lugar.
Sinabi pa ni Abu, na nakapuwesto na ngayon malapit sa bukana ng lugar ang BRP o barko ng Republika ng Pilipinas at BRP Suluan upang masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga pilipinong mangingisda sa lugar.