Patay sa pinagsanib na operasyon ng Militar at Pulisya ang 4 na miyembro ng DAESH – ISIS inspired group na Abu Sayyaf sa Parañaque city nitong Biyernes ng madaling araw.
Kinilala ni Parañaque City Police Chief Col. Robin King Sarmiento ang mga napatay na terrorista ay sina Rasmin Husin, Jamal Kamiling at ang mag-asawang sina Bensaudi Sali At Merhama Abdul Sawari.
Bitbit ang Warrant Of Arrest laban kina Bensaudi at Sarawi dahil sa kasong Illegal Possession of Firearms, nagtungo ang mga awtoridad sa tahanan ng mga ito sa Better Living Subdivision.
Nang makita ang mga awtoridad, agad nagpaputok ng baril ang mga tao sa loob ng bahay dahilan upang duon na sumiklab ang ilang minutong bakbakan na nagresulta sa pagkakapatay sa 4.
Ayon sa Parañaque Police, financial conduit ng terroristang grupo ang mag-asawa na nag-ooperate sa Timog Silangang Asia at may pinaplano umano itong maghasik ng karahasan sa Kalakhang Maynila.
Nakuha mula sa pag-iingat ng mga napatay ang iba’t ibang financial transactions, mga matataas na baril gayundin ang mga pampasabog at ilang watawat ng ISIS.