Apat na dating opisyal ng Pre-qualification, Bids, and Awards Committee (PBAC) ng Iloilo City ang inabswelto ng Sandiganbayan sa kasong graft kaugnay sa maanomalya umanong housing project noong 2001.
Sa 66 na pahinang desisyong pinonente ni Associate Justice Alex Quiroz noong Hunyo 7, ipinunto ng anti-graft court ang kabiguan ng prosekusyon na patunayang guilty sina Jose Junio Jacela, Reynaldo Asuncion, Ely Bagtasus at Nilo Moralidad.
Inakusahan ang apat dahil sa pag-release ng P22 milyon sa Ace Builders and Enterprises o ABE na unqualified para sa isang housing project at pagbibigay ng pabor kay Alexander Trinidad, na may-ari ng construction firm.
Nagkakahalaga ng P125 milyon ang Iloilo City housing project sa pavia na ipinatupad noon sa ilalim ni dating Mayor Mansueto Malabor, na isinangkot din sa kaso subalit ibinasura matapos pumanaw ang Alkalde.
Ayon sa sandiganbayan fourth division, nalabag ang presidential decree 1594, kung saan nakasaad na dapat magkaroon ng competitive public bidding, nang i-award ang kontrata sa ABE.
Bagaman unqualified ang naturang kumpanya, pinayagan itong lumahok sa bidding at kalauna’y ini-award ang kontrata.
Sa kabila nito, kinapos ang ebidensyang iprinesenta ng prosekusyon upang patunayang naging bias, nagkaroon ng bad faith at gross inexcusable negligence ang apat na akusado at wala ring sapat na pruwebang nagpapatunay na nagkaroon ng sabwatan.—sa panulat ni Drew Nacino