Ibinasura ng Commission on Elections o COMELEC ang 4 na disqualification cases laban kay presidential candidate Rodrigo “Digong” Duterte.
Ayon kay First Division Presiding Commissioner Christian Robert Lim, unanimous ang hatol ng dibisyon na pumapabor para ibasura ang apat na petisyon laban kay Duterte dahil sa kawalan ng merito.
Maliban kay Lim, mga miyembro rin ng First Division sina Commissioners Luie Tito Guia at Rowena Guanzon.
Binanggit sa desisyon na ‘valid’ ang certificate of candidacy o COC para sa pagka-presidente ni dating PDP-Laban standard-bearer Martin Diño at hindi ito idineklarang nuisance candidate ng COMELEC.
Hindi rin nakitaan ng dibisyon ng misrepresentation sa kanyang COC si Duterte bilang substitute candidate.
Kabilang sa mga petitioners laban kay Duterte sina broadcaster Ruben Castor, UP Student Leader John Paul delas Nieves, Ely Pamatong at Rizalito David.
Duterte
Nagpasalamat si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa Commission on Elections (COMELEC) matapos ibasura ang mga kasong disqualification laban sa kanya.
Ayon kay Duterte, ang hatol ng COMELEC ay hindi para sa kanya kundi para sa mamamayang Pilipino.
Kasabay nito, inilunsad naman ni Duterte ang kanyang campaign headquarters sa San Juan.
By Jelbert Perdez
*Photo Credit: cnnph