Pormal nang sinampahan ng kaso ng PCG o Philippine Coast Guard ang apat (4) na hinihinalang miyembro ng Maute Group na kanilang hinarang sa pantalan ng Cagayan de Oro City.
Ayon kay PCG Spokesman Commander Armand Balilo, kanilang ipinagharap sa kasong paglabag sa Republic Act 172 ng Revised Penal Code o paggamit ng mga falsified documents sina Amerudin Onti, Abnel Hamit, Abubakar Ibrahim at Alenor Dimaporo.
Batay sa ulat ng PCG, dinakip ang apat (4) dahil sa kanilang mga kahina-hinalang kilos at pagtataglay ng iba’t ibang ID tulad ng Duterte Supporters ID, Mindanao State University ID at Postal ID.
Nagpakilala ring mga preachers o taga-pagpalaganap ng Islam ang mga ito pero nang tanungin tungkol sa mahahalagang turo ng Islam ay hindi na makatugon ang mga ito.
By Krista De Dios | With Report from Aya Yupangco