SUNOD-SUNOD na insidente ng pamamaril ang naitala ng Police Regional Office 4-A sa unang dalawang araw ng pagpapatupad ng nationwide gun ban para sa 2022 polls.
Batay sa impormasyong nakarating sa Kampo Crame, may 4 na insidente ng pamamaril ang naitala, ilang oras matapos na ipatupad ang gun ban.
Hindi na umabot pa ng buhay sa ospital ang biktimang si Gilbert Llgas sa Biñan City sa Laguna mag-aalas kuwatro kaninang madaling araw matapos pagbabarilin ng isang hindi nakilalang suspek sa harap ng San Isidro Labrador Parish sa Brgy. Poblacion.
Mag-aalas-11 naman kagabi nang pagbabarilin din ng suspek na si Ruel Endang ang biktimang si Gilbert Villantes habang naglalakad sa Pulong Mabilog, Malipay 3, Molino IV, Bacoor City, Cavite, nakatakas ang suspek na ngayon ay tinutugis na ng pulisya.
1 naman ang patay habang 2 ang sugatan matapos paulanan ng bala ng mga hindi pa tukoy na salarin ang bahay ng mga biktima sa Purok Silangan, Brgy. Dela Paz sa Antipolo City.
Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang mga biktimang sina Glen at Gerardo Nono habang natagpuang wala nang buhay si Ferdinand Nono nang datnan sila ng pulisya.
Patay rin si Sandy Boy Espadero matapos barilin sa ulo ng hindi nakilalang salarin habang inaayos ang gulong ng kaniyang tricycle sa Sitio Tabak 1, Brgy. San Rafael sa Rodriguez, Rizal ala singko ng hapon kahapon.
Nagawa pang dalhin sa H Vill hospital ang biktima subalit idineklara na itong dead on arrival.