Umani ng batikos ang apat na konsehal sa Roxas City sa Capiz matapos mag-viral sa social media ang kanilang larawan na walang suot na damit pang-itaas.
Ito’y kasunod ng pagkakapasa ng sangguniang lungsod ang ordinansang nagbabawal naman sa paglabas ng tahanan na walang damit pang itaas o half naked ordinance.
Nakasaad sa ordinansa na papatawan ng multa na nagkakahalaga ng P500.00 para sa sinumang mahuhuling residente na nakahubad sa pampublikong lugar.
Maliban dito, sinita rin ng mga netizen ang tila paglabag ng apat na konsehal sa COVID-19 quarantine protocols dahil bukod anila sa dikit-dikit ang mga ito ay wala ring suot na facemask at face shield.
Pagpapaliwanagin naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang apat na konsehal.
Ayon kay DILG Usec. Jonathan Malaya, ang mga halal na opisyal ay dapat magsilbing mabuting halimbawa sa kanilang nasasakupan hinggil sa tamang pagsunod sa COVID-19 protocols.
Ang mga konsehal aniyang gumawa ng batas o ordinansa ang siya dapat mangunang sumunod at hindi lumabag sa kanilang ipinasang panuntunan.