Isinuko ng aktor na si Robin Padilla ang apat na high-powered firearms sa Philippine National Police (PNP) bilang pagsunod sa Republic Act 10591 Comprehensive Firearms and Ammunition Act na nagbabawal sa pag-aari ng mga hindi lisensyadong armas.
Nagtungo si Padilla sa tanggapin ng PNP Firearms and Explosives Office dahil nakatakda nang mag-expire ang lisensya ng kanyang mga baril sa Disyembre.
Ayon sa aktor, ipatatago muna niya sa PNP ang kanyang dalawang M-16 armalite rifle, isang garand rifle at isang 30-caliber machine gun habang pinoproseso pa ang kanyang license to own and possess firearms.
Nilinaw ni Padilla isa lamang siyang gun collector at hindi niya kailanman nagamit o gagamitin ang mga armas niya sa masama.
Ginamit aniya niya ang mga isinurender niyang armas sa mga pelikulang kanyang ginawa.
Pamamalakad sa NBP
Samantala, tinawag na istupido ng aktor na si Robin Padilla ang sistema ng pamamalakad sa New Bilibid Prison o NBP sa Muntinlupa.
Ito ang reaksyon ng aktor sa harap na rin ng kontrobersya na bumabalot ngayon sa NBP.
Sinabi ni Padilla na kung tutuusin, nalinis na ang NBP sa panahon ni retired Police General Vicente Vinarao.
Pero dahil aniya sa istupidong pamamalakad, kahit magaling at maganda pa ang pangangasiwa ng isang opisyal sa NBP ay inaalis din ito kapag nagpalit na ng presidente.
Kaya ang nakikitang solusyon ni Padilla sa sindikato sa loob ng Bilibid, dapat isama at bigyan ng responsibilidad ang mga pangkat o ang mga gang leaders para mapatino ang mga miyembro nito, sa halip na ang maghari- harian ay ang mga drug lords at ibang high profile criminals.
By Meann Tanbio | Jonathan Andal