Lalo pang pinaigting ng Joint Task Force Central sa ilalim ng Western Mindanao Command (WESMINCOM) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang opensiba laban sa mga terrorista.
Ito’y matapos mapatay sa magkakahiwalay na engkuwentro ang 4 na miyembro ng Hassan Group ng Dawlah Islamiyah matapos madiskubre ang abandonadong kuta nito sa Brgy. Saniag, Ampatuan sa nasabing lalawigan, madaling araw kahapon.
Ayon kay WESMINCOM Chief Lt/Gen. Corleto Vinluan Jr, nagsasagawa lang ng focused Military Operations ang kanilang mga tauhan nang madiskubre ang abandonadong kuta ng mga kalaban upang pigilan ang tangka nilang mga pagsalakay.
Unang nakasagupa ng Militar ang grupo ni Salahuddin Hassan na kilala rin sa mga alyas na Abu Saif/Orak at Abu Salman sa nabanggit na Barangay kung saan napatay ang isa at nasugatan ang nakilala lamang sa alyas na Wari o Watrix gayundin ang mga kasamahan nito.
Pasado tanghali naman, habang nagpapatuloy ang Militar sa kanilang paghahanap, naka-engkuwentro muli nila ang grupo ng mga terrorista sa Brgy. Salman kung saan, 3 ang kanilang napatay.
Isa lamang ang nasugatan sa panig ng militar habang hindi pa mabilang kung ilan ang sugatan sa panig ng mga kalaban. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)