Patay ang apat (4) na miyembro ng malaking sindikato ng gun for hire sa Region 3 matapos maka-engkwentro ng PNP-CIDG o Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection GroupRegion 3.
Ayon kay Senior Superintendent Edwin Quilates, hepe ng PNP Criminal Investigation and Detection Group ng Region 3, nakatanggap sila ng tip mula sa isang impormante na tatawid ng Bulacan ang apat sa mga miyembro ng Basilio Gun for Hire Group, sakay ng dalawang motorsiklo.
Dahil alam anya nila ang direksyon ng mga suspects ay inabangan nila ang mga ito at sinita.
Gayunman, agad umanong bumunot ng baril ang mga suspects kaya’t nauwi ito sa engkuwentro na ikinasawi ng apat na mga suspek.
Narekober mula sa mga suspek ang tatlong kalibre 45 at isang kalibre 38 baril.
Sinabi ni Quilates na matagal na nilang pinaghahanap ang Basilio Group na hinihinala nilang nasa likod ng mga patayan sa Region 3.
Tinitignan na rin anya nila kung may kinalaman ang mga naturang suspek sa pagpatay sa lakambini ng Bulacan kamakailan lamang.
Pinag-aaralan na rin ng CIDG ang mga larawang nakuha sa wallet ng mga suspects dahil posibleng kasama sila sa target patayin ng grupo.
By Len Aguirre