Apat na opisyal ng Aegis Juris Fraternity ang nadiin nang isapubliko ng Senado ang naging testimonya ni John Paul Solano nang humarap ito sa isang executive session hinggil sa hazing na ikinasawi ni UST Law student Horacio “Atio” Castillo III.
Nakilala ang mga ito na sina Axcel Hipe, Arvin Balag, Mark Ventura at OJ Onofre.
Ayon kay Solano, ang apat na opisyal ng Aegis Juris ang sumalubong sa kanya nang tawagan siya ni OJ Onofre para magtungo sa library ng fraternity office.
Ayon kay Solano, halos wala na talagang buhay si Atio nang madatnan niya ito.
“So SOP po yun, ang sabi ko Hor, is that you? Sabi ko Hor naririnig mo ba ako, so I was slapping him on the face, tiningnan ko ang pupils niya, very dilated sabi ko walang response, nag-check ako ng pulse, wala, the first time wala, nag-check ako ulit, yung pangalawa sabi ko baka pulse ko na ang nararamdaman ko.” Bahagi ng testimonya ni John Paul Solano sa Senado na binasa ni Public Order Committee Secretary Claire Olay.
Si Balag aniya ang nagpumilit na itakbo sa Chinese General Hospital si Atio sa halip na sa UST Hospital na mas malapit sa kung saan isinagawa ang hazing.
At si Balag rin aniya ang nagturo sa kanya na sabihing napulot lamang niya sa Balot Tondo ang katawan ni Atio.
“Sabi ko brod doon tayo sa emergency room, sabi niya: Balag: Ganun, sige dalhin mo na. Sabi ko: Bakit ako hindi naman ako kasali dito? Kayo ang magdala…Hindi ikaw na ang magdala. Tinanong ko anong sasabihin ko, ang sabi ni Arvin Balag, sabihin mo napulot mo sa Balot Tondo, nag-mental block na ako, hindi na ako makapag-isip.”
Sa kanyang testimonya ay inamin ni Solano na hindi niya nakita sa pinangyarihan ng hazing si Ralph Trangia, isa sa frat members na unang nakalabas ng bansa subalit nagbalik para harapin ang isyu.
Gayunman, ang sasakyan aniya at ang driver ni Trangia na si Romeo Laboga ang sinakyan nila para dalhin sa ospital si Atio.
“Doon po sa driver, ang sabi ko baka mamaya ilaglag mo ako dito alam mo namang wala akong kasalanan, Hindi sige sir.
Question: Mukha ba siyang driver o estudyante rin?
Solano: May edad po eh, driver ni Trangia po. Tapos after po nun ipinasok na po si Atio, pumasok na rin po ako, nilingon ko kung anong ginagawa nila, umalis na sila, iniwanan na akong mag-isa, so sabi ko I’m on my own.”
Bahagi ng testimonya ni John Paul Solano sa Senado na binasa ni Public Order Committee Secretary Claire Olay.
“Nilaglag ng mga ka-brod?”
Naglabas ng sama ng loob si John Paul Solano sa kanyang mga ka-brod sa Aegis Juris Fraternity na sangkot sa hazing na ikinasawi ni Horacio “Atio” Castillo III.
Sa kanyang testimonya sa executive session ng Senado, pinabayaan at inilaglag siya ng kanyang mga ka-brod na haraping mag-isa ang isyu gayung sila ang tunay na mga sangkot sa hazing at tinawagan lamang sya para magbigay ng first aid kay Atio.
Ibinunyag ni Solano na nagtago siya matapos madiin sa pagkamatay ni Atio.
Nagtungo aniya siya sa Tarlac at Pangasinan at natutulog na lamang sa mga waiting shed.
“Along the way tinapon ko po ang cellphone ko kasi napakarami nang tumatawag sa akin na hindi ko kilala, tapos na-force akong matulog sa mga waiting sheds, sa labas ng school at kung saan na, ilang araw po nakarating ako ng Pangasinan, moving po ako. Pagkadating ko sa isang city, sasakay ako papuntang barrio tapos doon po ako sa kalsada matutulog, sa mga upuan sa labas ng school.”
Bahagi ng testimonya ni John Paul Solano sa Senado na binasa ni Public Order Committee Secretary Claire Olay.
—-