Apat na presidential candidates ang bukas na ipagpatuloy ang usapang pang-kapayapaan sa pagitan ng gobyerno at NDF-CPP-NPA.
Ito ay sina labor leader Leody De Guzman, dating defense secretary Norberto Gonzales, dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at dating presidential spokesman Ernesto Abella.
Sa kanilang pagharap sa presidential debates ng Sonshine Media Network International kahapon, ipinunto ni De Guzman na nag-ugat ang armadong pakikibaka sa pang-aapi sa mga mamamayan at kabiguang ipatupad nang maayos ang land reform.
Sumang-ayon naman si Gonzales kay De Guzman at tinukoy ang kawalan ng partikular na batas para sa rebelyon kaya’t kumikilos lamang ang gobyerno batay sa criminal law.
Handa naman sina Marcos at Abella na panatilihin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sakaling manalo sa pagka-pangulo.
Isinulong din ng dating senador ang pagpapatuloy ng balik loob program bilang bahagi ng peace talks habang nais ni Abella na isama ang economic development sa mga solusyon upang matuldukan ang armadong pakikibaka.