Apat na pulis at dalawang non-uniformed personnel ang kabilang sa persons under monitoring dahil sa COVID-19.
Sinabi ni PNP acting Spokesman Major General Benigno Durana, Jr. na nakatutok na ang PNP health service sa tatlong pulis at isang kapamilya ng isang pulis na naka-home quarantine matapos manggaling ang dalawa sa mga ito sa Tokyo, Japan.
Samantala isang pulis San Juan naman ang tinututukan din dahil sa nakaharap nito ang isang pasyenteng nag positibo sa COVID-19
Dalawa pang pulis na nakatalaga sa Eastern Police District ang mino-monitor dahil sa kanilang pagbiyahe sa Japan.
Kasabay nito ipinabatid ni Durana na pinasususpindi na ni PNP Chief General Archie Gamboa ang pagbiyahe sa labas ng bansa ng kanilang mga opisyal at maging mga tauhan maging ito ay may kinalaman sa kanilang trabaho dahil sa mga bagong kaganapan kaugnay sa COVID-19.
Ang lahat din aniya ng leave applications ay naka-hold sa directorate for personnel and records management.
Dahil sa contact tracing ng DOH sa isang COVID-19 patient sa barangay West Crame sa San Juan City isinara muna ang Gate 4 ng Camp Crame kung saan lahat ng mga aktibidad partikular sa multi-purpose center ay mahigpit na pinababantayan sa PNP medical personnel.