Sinampahan na ng kasong kriminal sa DOJ o Department of Justice ang apat na Pulis – Caloocan na sangkot sa pagkamatay ng 17 anyos na binatilyong si Kian Loyd Delos Santos.
Kasama ang PAO o Public Attorney’s Office, inihain ng pamilya Delos Santos ang mga reklamong murder at paglabag sa Anti-Torture Act sa isang menor de edad laban sa mga akusadong sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda at PO1 Jerwin Cruz.
Habang murder naman kay Precinct Commander Chief Inspector Amor Cerillo at ibang hindi tinukoy na indibidwal dahil sa command responsibility nito sa operasyon.
Ayon ka PAO Chief Percida Rueda – Acosta, may pagtataksil sa ginawang pagpaslang kay Kian ang mga nasabing pulis dahil hindi aniya lumaban ang binatilyo.
Sinabi naman ni Officer-in-Charge (OIC) Prosecutor General Severino Gaña, nakapili na sila ng tatlong state prosecutors na bubuo sa panel na magsasagawa ng preliminary investigation sa kaso.