Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Dionardo Carlos ang pagsibak sa puwesto sa 4 na pulis sa Agusan del Sur na sangkot sa pagnanakaw sa isang negosyante.
Ayon kay Carlos, kaniya nang inatasan ang CARAGA PNP Regional Director, P/BGen. Romeo Caramat na ilagay sa restrictive custody sina P/SMSgt. Ronald Laro, P/SSgt. Dariel John Mozo, P/SSgt. Richard Ayala at Pat Ivan Klein Osoro.
Batay sa report, sumuko nitong Lunes ang mga sangkot na pulis sa kanilang superior sa Butuan City matapos silang positibong tukuyin ng negosyanteng biktima na si Jasper Salude Pabilic at matunton sa pamamagitan ng CCTV footage.
Sa salaysay biktima, hapon ng January a-14 nang biglang pumasok sa kanyang bahay ang 4 na armadong lalaki na nakasuot pa ng bullet proof vest.
Hinoldap umano ng apat na suspek ang biktima kung saan ay puwersahang kinuha ang kanilang mga cellphones, pera na nagkakahalaga ng P2.7 milyon, mga Agar woods na mas kilala bilang Lapnisan at mga personal na kagamitan.
Kasalukuyan nang iniimbetigahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ng Internal Affairs Service ng PNP ang apat na suspek na pulis. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)