Ipinanawagan ni Senador Sherwin Gatchalian kay Pangulong Rodrigo Duterte ang agarang pagtatalaga ng pansamantalang papalit sa mga sinuspinding commissioner ng Energy Regulatory Commission o ERC.
Ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Energy, may kaakibat na problemang dala ang pagkasuspinde ng apat (4) na opisyal ng ERC.
Paliwanag ng Senador, dahil sa kawalan ng mga Officer-in-Charge (OIC) na mag-aapruba sa renewal ng kontrata ng power supply applications ay maaari itong magdulot ng brownout sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Bilang pagtugon sa nasabing problema, pinagsusumite ni Gatchalian ang Department of Energy (DOE) ng kanilang contingency plan para sa inaasahang mga brownout.
Samantala, dumistansya si Energy Secretary Alfonso Cusi sa pagkakasuspindi ng Ombudsman sa apat na mga commissioner ng ERC.
Gayunpaman tiniyak ni Cusi na hindi nito maaapektuhan ang sektor ng enerhiya sa bansa bagaman maaari umanong makaapekto sa implementasyon ng mga proyektong pang-kuryente na kinakailangang aprubahan ng mga matataas na opisyal ng ERC.