Arestado na ang apat na suspek kabilang ang isang Swedish national sa pagsabog sa isang palengke sa Isulan, Sultan Kudarat.
Kinilala ni AFP Western Mindanao Command Spokesperson Major Arvin Encinas ang mga suspek na sina Hassan Akgun, isang Swedish national; Abedin Camsa, Normia Camsa at Norshiya Camsa.
Sinabi ni Encinas na ang apat na suspek ay naaresto sa isang operasyon sa Sitio Nakan sa Barangay Kapya, Bagumbayan, Sultan Kudarat.
Kabilang sa mga nasabat sa mga suspek ang isang m16 rifle na mayroong magazine na naglalaman ng 27 bala, tig isang caliber 45 at 38 revolver, isang shotgun, isang improvised explosive device, 13 cellular phones at dalawang galon ng powdered substance.
Ang mga suspek at mga nasabat na gamit sa mga ito ay kaagad dinala sa Sultan Kudarat Provincial Police Office para sa kaukulang documentation at pagsasampa ng kaso. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)