Inihain na sa Kamara ang panukalang batas na magsususpinde sa pagpapatupad ng pagtaas ng excise tax sa oil products sa gitna ng patuloy na pagsirit ng presyo nito.
Sa ilalim ng House Bill 10246 ni Deputy Speaker at Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, target nitong suspendihin ang koleksyon ng excise tax hike mula January 1, 2022 hanggang December 31, 2025.
Ipinaliwanag din sa bill na ang excise tax adjustments sa Section 43 ng Republic Act 10963 o Tax Reform Acceleration and Inclusion Law lamang ang sususpendihin.
Kung ipatutupad anya ang panukala, tanging excise sa oil products na nakapaloob sa national internal revenue code ang ipatutupad.
Ipinunto ni Rodriguez na mainam na suspendihin ang dagdag excise tax sa langis lalo’t nagsisimula pa lamang bumangon ang bansa mula sa epekto ng Covid-19 pandemic.
Sa oras na suspendihin, maglalaro na lamang sa mahigit P4 hanggang P5 ang ipapataw sa gasolina sa halip na P10 habang diesel, kerosene at liquefied petroleum gas ay wala nang dagdag excise tax. —sa panulat ni Drew Nacino