Ibinasura ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga kasong administratibo laban sa mga opisyal na idinawit sa naudlot na importasyon ng 300,000 metric tons ng refined sugar.
Batay sa 10-pahinang resolusyon na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin at inaprubahan ni PBBM, ipinawalang-saysay ang mga kasong grave misconduct, gross dishonesty at conduct prejudicial to the best interest of the service laban kina dating Agriculture senior undersecretary Leocadio Sebastian, dating Sugar Regulatory Administration o SRA administrator Hermenegildo Serafica at dating SRA board members na sina Roland Beltran at Aurelio Gerardo Valderrama Jr.
Matatandaang nagkasa ng ‘motu proprio investigation’ kasunod ng direktiba ni Pangulong Marcos bunga ng alegasyon na pineke ni Sebastian ang lagda ng Pangulo at pinirmahan ang Sugar Order No. 4 na may kinalaman sa importasyon ng asukal noong Agosto ng nakaraang taon.
Ayon kay Bersamin, napatunayan na inisyu ang SO No. 4 ‘in good faith’ o walang masamang intensiyon si Sebastian at iba pa nang gawin nila ito.
Sinabi ni Bersamin na inakala ng mga respondent na awtorisado silang gawin iyon dulot ng miscommunication bunsod na rin ng memorandum noon ni dating ES V ic Rodriguez na nagpapahintulot kay Sebastian na lumagda ng mga kontrata, memorandum of agreement, at administrative issuances.
Samantala, pinayuhan naman ni Pangulong Marcos ang mga opisyal na maging maingat at huwag magpadalos-dalos sa pagdedesisyon lalo pa’t may kinalaman ito sa kanilang trabaho sa gobyerno.