Apat sa limang Filipino ang hindi pabor sa kawalang aksyon ng pamahalaan sa panghihimasok ng China sa West Philippine Sea.
Batay ito sa isinagawang survey ng Social Weather Stations o SWS sa 1,200 mga respondents mula Hunyo 23 hanggang 30.
Ayon sa survey, 81 porsyento ng mga respondents ang nagsabing hindi tamang pinababayaan ang China sa paglalagay nitong mga artipsyal na isla at isinasagawa militarisasyon sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.
Gayundin, 80 porsyento ng respondents ang nagsabing dapat palakasin ng pamahalaan ang kapabilidad sa karagatan ng militar.
Samantala, 70 porsyento ng mga Filipino naman ang naniniwalang dapat dalhin ng pamahalaan sa mga international organizations tulad ng United Nations at ASEAN ang usapin sa South China Sea para sa isang diplomatiko at mapayapang resolusyon.
Pitumpu’t tatlong (73) porsyento naman ang nagsabing tama ring magkaroon ng direkta at bilateral negotiations sa China.
Una rito, lumabas din sa kaparehong survey na bumaba pa sa -41 o poor ang tiwala ng mga Filipino sa China.
—-