Nasa kamay na ng kinauukulang law enforcement agency kung ano ang gagawin sa apat sa pitong indibiduwal na hinarang kahapon sa NAIA o Ninoy Aquino International Airport dahil sa hinalang may kaugnayan sila sa Maute terror group.
Inihayag ito sa DWIZ ni Antoinette Mangrobang, tagapagsalita ng Bureau of Immigration o BI.
Una nang pinalaya ang tatlo dahil hindi naman sila nakitaan ng derogatory record, habang ang apat na iba pa ay inendorso na sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group at NBI National Bureau of Investigation.
Nabatid na ang pito ay mag-aaral ng religious and erratic language sa Malaysia sa loob ng anim na taon at kapag naka-graduate na sila ay magiging Imam.
“Kung tutuusin tapos na ang role ng Bureau of Immigration dahil yung pag-verify at mga impormasyon na makapagsisigurado na hindi sila ay nasa kamay ng Kapulisan, ang disposisyon po ng mga pasaherong ito ay nasa mga opisina na ng law enforcement agencies kung saan sila na-endorso.” Ani Mangrobang
Kaugnay nito, may apela si Mangrobang sa mga pasahero lalo na sa hindi inaasahang pagkakaroon ng hit sa derogatory record.
“Maaari po kaming magsabi kaya natin ine-encourage ang ating mga pasahero na dumating ng maaga, dahil sakaling magkakaroon ng hit sa derogatory record namin at magkakaroon ng verification ay magkakaroon pa sila ng pagkakataon na makasakay ng kanilang flight, sa pagkakataong ito, dito sa tatlong ito ay talagang sinigurado at ininterview sila hindi lang ng BI kundi ng iba pang law enforcement agencies, talaga pong layunin ay masiguradong hindi sila isa doon sa binabantayan natin at hinahanap ng batas.” Pahayag ni Mangrobang
Samantala, kinumpirma ni PNP Aviation Security Group Chief Police Chief Supt. Sheldon Jacaban na nasa listahan ng Martial Law arrest order ng Department of National Defense o DND ang isa sa mga pasaherong may apelyidong Maute na hinarang kahapon sa NAIA Terminal 3.
Kinilala itong si Alnizar Palawan Maute na kasalukuyang nasa kustodiya ng NBI o National Bureau of Investigation.
Tatlo naman sa mga kasama nitong hinarang din na sina Yasser Dumaraya Maute, Ashary Maute at Abdulrahman Maute ay dinala naman sa Camp Crame para tanungin matapos mapag-alamang nasa blue notice ng Philippine Center on Transnational Crime ang mga ito.
Ayon pa kay Jacaban, pagkatapos ng inquiry sa tatlo, kukunin din ang mga ito ng NBI para masagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon.
By Meann Tanbio | Ratsada Balita (Interview) | may ulat ni Jonathan Andal (Patrol 31)
Photo Credit: Raoul Esperas (Patrol 45)