Apat (4) ang kumpirmadong nasawi kabilang na ang isang sundalo nang magka-engkuwentro ng mga tropa ng pamahalaan ang mga pinaghihinalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Negros Occidental.
Kinilala ang nasawing sundalo na si Pvt 1st Class Joel G Farinas na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa dibdib at binti habang tatlo (3) naman ang nasawi sa panig ng mga kalaban subalit hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan.
Ipinabatid ni Police Regional Office 6 Spokesman P/LtC. Joem Javier, nangyari ang bakbakan sa Sitio Buyoron, Brgy. Buenavista sa lungsod ng Himamaylan ganap na 2:00PM, kahapon.
Kasunod nito, nasa dalawang (2) sundalo naman ang nasugatan sa engkuwentro na kinilalang sina Sgt. Froilan Tacosalem at Cpl. Olive Porten.
Nakuha sa pinangyarihan ng bakbakan ang iba’t ibang mga baril at pampasabog habang patuloy naman ang ginagawang hot pursuit operations laban sa mga hinihinalang rebelde.