Patay ang 4 habang 23 iba pa ang sugatan matapos na madisgrasya ang isang 6-wheeler na jeep sa Barangay Denuyan, Siayan, Zamboanga Del Norte.
Sa ngayon, wala pang detalye hinggil sa mga pagkakakilanlan ng mga biktima.
Ayon sa imbestigasyon, galing ang mga biktima sa Dumingag, Zamboanga Del Sur at papunta sanang Sindangan upang magdaos ng Christmas party sa may tabing dagat.
Pagdating nila sa may Barangay Denuyan sa Siayan ay nawalan ng preno ang jeep at nahulog sa kanal sa gilid ng daan bago tumagilid.
Tumilapon ang ibang mga biktima habang ang iba naman ay naipit sa pagkakatagilid ng jeep.
Samantala, agad namang dinala ang driver ng jeep na kinilalang si Jayward Ginggo, 22 taong gulang, sa isang ospital sa Ozamiz City habang dinala naman ang mga sugatang biktima sa Sindangan District Hospital.
By: Avee Devierte