Patay ang apat na sundalo matapos maka-engkuwentro ng mga pulis sa Sitio Marina, Barangay Walled City sa Jolo, Sulu.
Ito ang kinumpirma mismo ng Western Mindanao Command (WestMinCom) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kung saan nabatid na miyembro ng 11th Infantry Division ang mga nasawing sundalo.
Ayon kay WestMinCom Commander Lt. General Cirilito Sobejana, binubuo ang mga nasawing sundalo ng isang major, isang kapitan at dalawang sarhento.
Sinabi ni Sobejana, kanya nang hiniling ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) para imbestigahan ang insidente para mabigyang-linaw ang dahilan kung bakit humantong sa engkuwentro ang pagsita ng mga pulis sa grupo ng mga sundalo.
Paglilinaw pa ni Sobejana, hindi misencounter ang naganap bagama’t malaki ang posibilidad na walang naging koordinasyon sa dalawang grupo na naresulta naman sa engkuwentro.
Batay sa ulat ni Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region Spokesperson Police Major Jemar Delos Santos, nagpapatrolya ang mga tauhan ng jolo Municipal Police at Sulu Provincial Drug Enforcement Unit nang mamataan ang isang Montero SUV.
Pinara ng mga pulis ang nabanggit na sasakyan kung saan nagpakilala ang mga sakay bilang miyembro ng aAFP kaya’t inimbitan sa himpilan ng Pulisya para sa verification.
Gayunman, pagdating umano sa istasyon, agad na kumaripas ang sasakyan na naging dahilan ng habulan at nang masukol ang mga ito, nagkaroon na ng engkuwentro nang biglang paputukan ng mga sakay ng SUV ang mga pulis.
Samantala, sa nakarating na impormasyon sa DWIZ, nakapag-usap na sina PNP Chief Police General Archie Gambo at AFP Chief of Staff Gen. Filemon Santos hinggil sa insidente. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)