Hindi titigil ang pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya na tugisin at panagutin sa batas ang mga nasa likod ng naganap na pamamaril sa Lanao Del Norte, kahapon, ika-14 ng Enero.
Ito’y ayon kay Joint Task Force Zampellan Commander M/Gen. Generoso Ponio makaraang kundenahin nito ang ginawang pagpatay ng armadong grupo sa 4 katao kabilang na ang 3 sundalo at 1 sibilyan.
Ayon naman kay Army’s 2nd Mechanized Infantry Brigade Commander B/Gen. Facundo Palafox, patuloy pa nilang inaalam ang pagkakakilanlan ng nasawing sibilyan.
Habang hindi muna isasapubliko ang pagkakakilanlan ng 3 nasawing sundalo hangga’t hindi pa naipaaalam sa kani-kanilang pamilya ang sinapit ng kanilang kaanak.
Magugunitang nangyari ang insidente ng pamamaril kahapon ng umaga sa detachment ng militar sa Brgy. Tangclao, Poona Piagapo sa naturang lalawigan. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)