Absuwelto na ang mga otoridad ang apat na tinukoy na persons of interest sa kambal na pagsabog sa Jolo Cathedral.
Sinabi ni Brigadier General Divino Rey Pabayo, commander ng 11th Infantry Division at Joint Task Force Sulu na nais ng mga nasabing persons of interest na malinis ang kanilang pangalan matapos makuhanan sa CCTV footage at tukuyin ng militar na mga miyembro umano ng Ajang-Ajang group.
Ipinabatid ni Pabayo na alas diyes ng umaga nang sumuko sina Alshaber Arbi, labing walong taong gulang at grade 11 student na siyang naka-ponytail sa kuha ng CCTV at Gerry Isnajil, guro sa Kalingalan Caluang High School.
Sina Arbi at Isnajil ay sinamahan nina Sulu Governor Abdusakur Tan at Mayor Peping Halun ng Kalingalan Caluang.
Ayon pa kay Pabayo, alas tres naman ng hapon nang sumuko rin sa Sulu Police Provincial Office sina Alsimar Mahamud at Julius Abdulzam na nagsabing bumili lamang sila ng gamot para sa inang naka confine sa Sulu Provincial Hospital nang maganap ang pagsabog.
Ang mga sumukong persons of interest ay “cleared” na.