Inihalintulad ng isang opisyal ng Malacañang sa mga karakter ng pelikulang Fantastic Four ang ginanap na Pili-Pinas Debates 2016 sa Cebu City kamakalawa.
Ayon kay Presidential Communications Undersecretary Manolo Quezon, tila gumanap bilang Human Torch si Vice President Jejomar Binay na tila sumiklab ngunit nasunog habang nasa entablado.
Inihambing naman sa karakter na The Thing si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na nagsasabing kaya umanong lutasin ang lahat ng problema sa bara-barang pamamaraan.
Invisible girl naman kung ituring si Senadora Grace Poe dahiil sa mas nakikita sa kanya ang nagniningning na utak ng kanyang adviser na si Tony Laviña gayundin ang pagiging sunud-sunuran nito sa kanyang running mate na si Senador Chiz Escudero.
Ngunit, iniangat naman ni Quezon ang manok ng administrasyon na si Secretary Mar Roxas na tinawag na Mr. Fantastic dahil bukod sa talas ng isip, naghayag ito ng kanyang mga sagot sa siyentipikong paraan sa pagresolba sa mga problema.
President Aquino
Pinapurihan ng Malacañang ang host gayundin ang mga nasa likod ng ikalawang yugto ng Pili-Pinas Debates 2016 sa pangunguna ni News 5 Chief Luchi Cruz – Valdez.
Ito’y sa kabila ng mga nangyaring aberya bago isahimpapawid ang debate sa UP Performing Arts Hall sa Cebu City na tumagal ng isa’t kalahating oras.
Maliban dito, binigyang pugay din ni Presidential Communications Undersecretary Manolo Quezon ang sign language interpreter na naka-inset sa TV dahil sa matinding pressure na dinanas nito sa kasagsagan ng debate.
Sinabi pa ni Quezon na napanood naman ni Pangulong Benigno Aquino III ang kabuuan ng programa ngunit hindi pa niya mabatid kung ano ang naging reaksyon nito sa tagisan ng mga kandidato sa pagkapangulo.
By Jaymark Dagala