Apat na pulis ang arestado matapos maaktuhang umiinom at nagsusugal sa isang restaurant sa Bagong Lipunan, Cubao, Quezon City.
Kinilala ang mga naarestong pulis na sina Police Staff Sergeant Erwin Gobis, Police Senior Master Sergeant Demetrio Laroya at Police Corporal Ariel Pasion na kapwa nakatalaga sa health service at Police Staff Sergeant Gerry Ocampo na naka-assign naman sa crime laboratory.
Maliban sa apat na pulis, naaresto rin ang isang non-uniformed personnel na kinilalang si Leo Ocinar, dating pulis na si Fidel Agustin at may-ari ng online game establishment na si Teddy Carpio.
Ayon sa PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group, ikinasa ang operasyon matapos silang makatanggap ng impormasyon na ilang mga pulis ang madalas na nakikitang nagsusugal at umiinom sa nasabing establisyemento.
Nasabat sa operasyon ang mahigit p14,000 halaga ng cash, dalawang television sets na ginagamit sa online gambling, digital video recorder para sa CCTV, rolyo ng betting ticket, digital box at 23 bote ng wine.