Agad na isinalang sa inquest proceeding ang apat (4) na pulis Maynila na dinakip dahil sa pagdukot at pangingikil sa pamilya ng isang naarestong drug suspect sa Baseco Compound sa Tondo, Manila.
Ito ay matapos namang masampahan ng reklamong kidnapped for ransom at Anti -Torture Law sa Department of Justice (DOJ) ang 4 na pulis na kinilalang sina Police Coporals Nickson Mina, Juan Carlo Guzman, Francis Mikko Gagarin, at Patrolman Tom Hikilan ng Manila Police District (MPD) station 5.
Miyerkules ng gabi, Nobyembre 13, ng madakip ang apat na pulis sa isang entrapment operation sa loob mismo ng Baseco Police Community Precinct habang aktong tinatanggap ang marked money mula sa pamilya ng drug suspect.
Ayon kay PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group chief Col. Ronald Lee, hinihingan ng P500,000 ang asawa ng drug suspect na si Kelvie Panansang kapalit ng kalayaan nito.
Pumayag naman aniya ang apat na pulis na maibaba sa P200,000 ang kanilang hinihinging pera.
Samantala, isang kaanak ni Panansang ang nagsabing tinorture umano ito ng apat pulis habang nakakulong kung saan nilalagyan ito ng supot sa ulo at saka pinaghahampas.