Apat na suspek sa pagpapakalat ng mga pekeng pera ang naaresto ng National Bureau of Investigation-Special Action Unit sa Angeles City, Pampanga.
Kinilala ni NBI Officer-In-Charge, Director Eric Distor ang mga suspek na si Joeylyn Castro, Virgilio Yalung, Zenia Andres at Marilyn Lucero.
Nakipag-ugnayan anya ang NBI sa Payments and Currency Investigation Group, Office of the Assistant Governor, Payments and Currency Development Sub-Sector, Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at sa lokal na otoridad.
Nagtungo sa isang money changer sina Yalung at Castro pero hindi pinalitan ang dala nilang dolyar dahil peke at sa pagkakataong ito ay nilapitan na sila ng mga otoridad at inaresto.
Nakumpiska mula sa kanila ang 78 piraso ng pekeng US dollar bill na may iba’t-ibang serial numbers.
Matapos ituro nina Castro at Yalung ang pinanggagalingan ng mga pekeng dolyar ay agad nagsagawa ng follow up operation ang NBI hanggang sa matimbog sina Andres at Lucero sa Bamban, Tarlac.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong Illegal Possession at Use of False Treasury o Bank Notes.