Wala pa rin sa kalahati ng target na bilang ang naitatayong permanenteng pabahay para sa mga nasalanta ng super bagyong Yolanda.
Ito ay kahit pa apat na taon na ang lumipas magmula nang manalasa ang naturang bagyo.
Batay sa datos ng National Housing Authority o NHA, nasa 38 percent pa lamang o mahigit 78,000 bahay pa lamang ang naipapatayo ng pamahalaan habang mahigit 59,000 units ang hindi pa rin natatapos buuin hanggang sa ngayon.
Maliban dito, 12.7 porsyento pa lamang ng naturang bilang ang nai-aaward sa mga benepisyaryo.
Paliwanag ng NHA, isa sa mga dahilan ng mabagal na pagpapatayo ng mga bahay at pamimigay ng mga ito ay ang matinding pinsalang natamo ng 14 na lalawigan at isandaan at 71 lungsod at bayan dahil sa super bagyo.
‘Tuloy ang pagbangon’
Tuloy-tuloy pa rin sa pagbangon ang mga residente ng Tacloban Leyte.
Ayon kay dating Tacloban Mayor Alfred Romualdez, marami sa kanyang mga nasasakupan ang balik na sa normal ang pamumuhay at mayroon nang mga hanap-buhay.
“Marami diyan nabigyan na ng hanap-buhay, marami nang establishments dito ang nagsitayuan, kaya nabigyan na sila ng trabaho kaya mas maganda, mahirap kasi kung hindi ka negosyante kailangan mo talaga ng suporta.” Ani Romualdez
Sa huli, muling nagpasalamat si Romualdez sa lahat ng mga tumulong sa pagbangon ng Tacloban.
“After 4 years still we can’t find the right words to thank everybody na tumulong at talagang nagpapasalamit kami sa lahat pati sa dasal, malaking tulong yun, if not for that hindi rin kami makakabangon.” Pahayag ni Romualdez
—-