Nasa apatnapung (40) miyembrong bansa ng UNHRC o United Nations Human Rights Council ang nagpahayag ng pangamba sa ‘extrajudicial killings’ sa bansa.
Itoy makaraang ilatag ni Senador Alan Peter Cayetano sa UNHRC ang datos hinggil sa estado ng karapatang pantao sa Pilipinas.
Ayon sa kinatawan ng Estados Unidos at Australia, mahalagang maimbestigahan ang mahigit sa pitong libong (7,000) kamatayan na iniuugnay sa giyera kontra droga ng pamahalaan ng Pilipinas lalo na’t hindi maipaliwanag kung sino ang may kagagawan nito.
Nanawagan naman sa pamahalaan ng Pilipinas ang Canada na wakasan na ang extrajudicial killings, sapilitang pagkawala, iligal na pag-aresto at pagkulong gayundin ang torture at harassment.
Inirekomenda naman ng France na abandonahin na ng Pilipinas ang isinusulong na pagbuhay sa parusang kamatayan.
Kabilang pa sa mga bansang nagpahayag ng pangamba sa extrajudicial killings at nanawagan ng imbestigasyon ang Germany, United Kingdom at ang Holy See.
Tanging ang China ang nagpahayag ng suporta sa giyera kontra droga ng Duterte administration dahil kaaway umano ng sanlibutan ang illegal drugs.
Visit PH
Kaugnay nito ay inimbitahan ni Cayetano ang mga miyembrong bansa ng UNHRC na bisitahin ang Pilipinas upang matignan kung totoo ang mga paratang ng EJK o extrajudicial killings sa Pilipinas.
Ang imbitasyon ay bahagi ng presentasyon ni Cayetano sa UNHRC upang idepensa ang human rights record ng Pilipinas.
Mariing itinanggi ni Cayetano ang mga paratang na may basbas ng pamahalaan ang mga nangyaring patayan na nag-ugat sa giyera kontra droga ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pamamagitan aniya ng mekanismong ginagamit ng UNHRC, hinikayat ni Cayetano ang mga bansang miyembro ng konseho na pasyalan ang Pilipinas, puntahan ang mga komunidad at magtanong o kapanayamin ang mga mamamayan.
Sa datos na iprinisita ni Cayetano sa konseho, mayroon na anyang mahigit sa dalawang libo anim na raan (2,600) ang napatay sa mga lehitimong anti-drug operations samantalang mahigit sa syam na libo tatlong daan (9,300) ang itinuturing na kaso ng homicide o yung mga pinatay dahil sa isyu ng drugs ng mga hindi kilalang suspects.
Sa ilalim anya ng sampung (10) buwan ng Duterte administration ay nakapagsagawa na ang pulisya ng mahigit sa limampung libong (50,000) anti-illegal drugs operations kumpara sa mahigit syamnapung libong (90,000) drug operations sa anim (6) na taon ng Aquino administration.
Ito na ang ikatlong pagkakataon na sumailalim sa periodic review ng UNHRC ang estado ng karapatang pantao sa Pilipinas.
By Len Aguirre
40 bansa nangangamba sa mga kaso ng ‘EJK’ sa Pilipinas was last modified: May 9th, 2017 by DWIZ 882