Patay ang apatnapu (40) katao habang halos isangdaang (100) iba pa ang nasugatan sa apat na magkahiwalay na pambobomba at pamamaril sa tatlong malalaking lungsod sa Pakistan.
Sa Quetta City, unang umatake ang isang suicide bomber na lulan ng isang sasakyan na may kargang bomba at nang sumabog ito ay labing-dalawa (12) katao ang nasawi kung saan dalawampu (20) ang nasugatan.
Makalipas ang ilang oras, niyanig naman ng magkakasunod na pagsabog ang isang palengke sa lungsod ng Parachinar na ikinasawi ng dalawampu’t apat (24) katao.
Ayon kay Government Administrator Zahid Hussain, karamihan sa mga nakatira sa nabanggit na lugar ay Shiite Muslims.
Pinagbabaril naman ng mga armadong lalaki ang isang grupo ng mga pulis malapit sa isang restoran sa Karachi kung saan apat (4) sa mga ito ang namatay.
Agad namang inako ng Pakistani Taliban ang mga naturang pag-atake.
By Jelbert Perdez
*EPA Photo