Nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang 40 staff ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) —ang pangunahing COVID-19 testing facility sa Pilipinas.
Kinumpirma ito mismo ng director ng RITM na si Dr. Celia Carlos na aniya’y “asymptomatic” o walang sintomas ng virus ang karamihan sa mga nagpositibong staff habang naka-quarantine sa dormitory ng RITM.
Dahil dito, kailangan aniya nilang magbawas ng operasyon upang mabigyang-daan ang pagdi-disinfect sa kanilang pasilidad.
Ayon kay Carlos, isang encoder ang unang tinamaan ng virus.
Batay aniya sa kanilang pag-iimbestiga, dahil office work ang trabaho nito, posibleng sa komunidad niya nakuha ang virus at nakahawa sa kanyang ibang mga katrabaho.
Sinabi rin ni Carlos na mahirap matukoy kung sa komunidad ba, o sa lugar ng trabaho ng kanilang mga empleyado nila nakuha ang virus, dahil na rin sa dami ng exposures ng mga ito sa ibang tao.
Sa ngayon ay nagtalaga na aniya sila ng mga staff na mangangalaga sa mga COVID-19-positive na mga empleyado.