Bihag ng NPA o New People’s Army ang nasa apatnaraang (400) residente ng barangay Camutan, Antipas North Cotabato.
Batay sa ulat ng CMPO o Central Mindanao Police Office, sinalakay ng mahigit sa tatlong daang (300) miyembro ng NPA ang Barangay Camutan, dakong alas-4:00 ng madaling araw ng Huwebes.
Ayon kay Superintendent Romeo Galgo ng CMPO, pinigilan ng mga rebelde na makaalis ang mga pamilyang nakatira sa nasabing barangay para umano gawing human shields laban sa pwersa ng gobyerno.
Dagdag ni Galgo, partikular na hawak ng mga rebelde ang Sitio Matias, Gumay at Malapangi kung saan nagkaroon ng engkwentro dakong alas-7:00 kagabi.
Sinabi naman ni Antipas Mayor Egidio Cadungon na patuloy ang kanilang negosasyon para sa pagpapalaya ng mga nabihag na sibilyan.
By Krista de Dios