Naghahanap na ngayon ng temporary shelters o pansamantalang matutuluyan ang pamahalaan para sa mga locally stranded individuals (LSI’s).
Ito ang inihayag ni Hatid Tulong Program Lead Convenor at Asec. Joseph Encabo makaraang mapaulat na nasa 400 mga LSI’s ang nagkakampo na sa labas ng Libingan ng mga Bayani sa Taguig.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Encabo na ngayong linggo nila malalaman kung ano ang tugon ng mga lokal na pamahalaan na hiningan nila ng tulong para bigyan ang mga LSI’s ng kanilang pansamantalang matutuluyan.
Kaya’t pinayuhan ni Encabo ang mga LSI’s na hintayin ang abiso ng Hatid Tulong Program personnels kung kailan magtutungo ang mga ito sa staging area at hindi mabinbin ang kanilang pag-alis.