Nanganganib magsara ang nasa 400 na pribadong paaralan dahil sa kakaunting enrollees sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ito ay batay sa survey ng Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA).
Ayon kay COCOPEA managing director Joseph Noel Estrada, 80% sa 500 na pribadong paaralan ang nagsabing hanggang sa huling araw na lamang ng Agosto uubra ang kanilang mga nalalabing resources o mapagkukunan ng pangangailangan upang ipantustos sa kanilang operasyon.
Pagkatapos aniya nito ay posibleng ikonsidera na nila ang pagtigil ng kanilang operasyon.
Tinatayang nasa 370,000 na mga guro naman sa mga pribadong paaralan ang tinapyasan na rin ng sahod, o di kaya naman ay ‘no work,’ no pay’ mula pa nang nagsimula ang pandemya.
Kasunod nito, hinimok ni Estrada ang pamahalaan na ikonsidera ang pagbibigay ng ayuda sa mga maaapektuhang private school teachers.
Samantala, ayon naman sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), nasa 319,000 na mga estudyante pa lamang ang nakapagpa-enroll sa mga private schools para sa pagbubukas ng bagong school year —lubhang kakaunti ito kumpara sa 4-milyong enrollees noong nakaraang taon.
Paliwanag ni ACT Secretary General Raymond Basilio, ang pagkawala ng kalahati sa mga enrollees ay nangangahulugan din ng pagsasara ng mga eskwelahan at kasunod nito ang pagbabawas sa mga private school teachers.
Posible aniyang ang kakulangan sa pagkukuhanan ng mga magulang ng kita bunsod ng quarantine restrictions ang dahilan kung bakit mababa ang bilang ng mga nagpapa-enroll ngayong taon.
Iminungkahi naman ni Basilio na kung maaari ay i-hire ng Department of Education (DepEd) ang mga nanganganib na mawalan ng trabahong mga guro.