Halos apatnaraang libong (400,000) mga manok, pugo at bibe ang nakatakdang sunugin upang maiwasan ang pagkalat ng bird flu kasunod ito ng deklarasyon ng bird flu outbreak sa Pampanga.
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, ang naturang mga poultry birds ay mula sa one-kilometer radius sa bayan ng San Luis kung saan anim na poultry farms ang apektado ng H5 avian influenza virus.
Sinasabing nagmula ang naturang sakit sa isang quail farm bago ito lumipat sa mga poultry farm.
Sa ngayon ay umaabot na sa 37,000 mga manok at iba pang poultry animals ang namatay dahil sa bird flu.
Samantala, Ibinunyag ni Pampanga Governor Lilia Pineda na sinubukan pang itago ng poultry farm ang kaso ng bird flu na siyang pinagmulan ng outbreak sa probinsya.
Ayon kay Pineda, akala ng pamunuan ng hindi tinukoy na poultry farm ay magagamot pa ang sakit na bird flu ngunit lumala ito at sila na mismo ang syang nagbaon sa lupa ng mga namatay na manok.
Malayo aniya sa bayan ang naturang poultry farm kaya maging ang alkalde ng San Luis ay hindi alam ang pagkalat ng naturang sakit.
Kaugany nito, pinagbawalan na ang iba pang poultry sa loob ng pitong kilometrong radius sa nasabing bayan na magbenta ng kanilang mga poultry products.
Bukod dito ay ikinakasa na rin aniya ang malawakang inspeksyon sa lahat ng poultry farm sa buong Pampanga.
By Rianne Briones