PUMALO sa 404,730 sites at links na may kinalaman sa child pornography, illegal gambling, online piracy, at iba pang malicious content ang naharang ng nangungunang digital solutions platform Globe sa unang siyam na buwan ng taon.
Nabatid na ang numero ay mas mataas ng 45% kumpara sa 278,555 na URLs at domains na naharang sa kaparehong panahon noong nakaraang taon kasunod ng pag-upgrade sa filtering capabilities ng Globe kapwa sa mobile at broadband services, na nagbigay-diin sa commitment ng kompanya na lumikha ng mas ligtas na online environment.
Sinasabing mas malaki ang pagtaas na naitala sa third quarter ng taon, kung saan ang bilang ng malicious sites na naharang ng Globe ay tumaas ng 70.8% sa 267,985, mula sa 156,857 na iniulat sa kaparehong quarter noong 2022.
Mula Enero hanggang Setyembre, ang Globe ay nakaharang ng 397,637 URLs (Uniform Resource Links), tumaas mula sa 275,720 noong 2022. Naharang din nito ang 4,795 domains ngayong 2023, mahigit tatlong beses na mas mataas kumpara sa 1,432 noong nakaraang taon.
Nakatuon sa child pornography, isa sa pinaka-karumal-dumal na krimen, na-block ng Globe ang 2,298 domains noong September 2023, kumpara sa 1,403 sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
“Our commitment to creating a safe online environment is unwavering. We recognize the critical role we play in combating illegal online activities, especially those that exploit the most children. Our increased efforts and investments in blocking access to illegal content are a testament to our dedication to this cause,” wika ni Anton Bonifacio, Chief Information Security Officer ng telco.
Magmula noong 2017, ang kompanya ay nangunguna sa paglaban sa online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC) sa bansa sa pamamagitan ng #MakeITSafePH campaign nito, na nakahanay sa maigting na pakikidigma ng Philippine government laban sa OSAEC.
Ang Globe ay nag-invest
na ng $2.7 million sa mga sistema na dinisenyo upang salain ang content na may kinalaman sa child pornography, illegal gambling, at online piracy, na nagpapakita sa dedikasyon nito sa naturang kampanya.
Sa ilalim ng Anti-Child Pornography Act of 2009 (Republic Act No. 9775), ang lahat ng internet service providers sa Pilipinas ay may mandatong magkabit ng teknolohiya na haharang o sasala sa child pornography.