Tinutulungan na ng gobyerno ang tinatayang 403 overseas Filipino workers (OFWs) matapos ma-stranded sa paliparan.
Ayon kay Philippine Overseas Employment Administration (POEA) chief Bernard Olalia, hindi pinababayaan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga OFWs sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Nabatid na hindi pinayagan ang mga ito na sumakay sa kanilang flight patungong Saudi Arabia matapos mabatid na inoobliga sila ng kanilang mga employer o foreign recruitment agencies na bayaran ang gastos sa COVID-19 protocols at insurance coverage na nagkakahalaga ng P47,000.
Matatandaang nagpalabas ng direktiba si DOLE Secretary Silvestre Bello III noong Huwebes na nag-aatas ng pansamantalang pagsuspinde sa deployment sa Saudi.
Nilinaw ni Bello na hindi nila papayagang umalis ang mga Pinoy hangga’t hindi nabibigyang-linaw ang nasabing usapin.