Friendly approach.
Dito sumentro ang payo ni dating Senate President Juan Ponce Enrile hinggil sa dapat na maging aksyon ng pamahalaan sa isyu ng West Philippine Sea.
Ayon kay Enrile, sa ganitong paraan na pagtrato ng Pilipinas sa China hinggil sa pinag-aagawang teritoryo, matitiyak na magiging mapoproteksyunan ang interes ng bansa partikular na sa ekonomiya at seguridad.
Dapat kailangan ng friendly approach natin diyan. Hindi hard, assertive and aggressive
approach. Sapagkat kung hindi tayo magkakaunawaan sa China ay madadamay ang interes ng ating mga kababayan, ng ating ekonomiya pati na rin ang ating seguridad, “pahayag ni Enrile.
Sa katunayan ani Enrile, malaki ang interest ng China sa naturang teritoryo dahil dito sila kumukuha ng enerhiya at makakakain.
Kasunod nito, pinapurihan naman ni Enrile ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte lalo na sa ipinamamalas nitong diplomasya na uri ng paghawak sa sitwasyon sa awayan ng teritoryo.
Magugunitang hinarap din ng administrasyon ng yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos ang isyu sa agawan ng teritoryo sa pagitan ng China pero noon ay hindi pa malakas ang pwersa nito.
Sa huli, nanawagan si Enrile sa administrasyong Duterte na palakasin ang pwersa ng bansa at manindigan ito at huwag umasa sa mga kaalyadong bansa.
Gawin na malakas ang ating kakayahan na manindigan ng sarili, sapagkat dito sa mundo na ito ngayon, hindi tayo maaaring umasa sa ating mga kaalyado kahit na sila ang pinakamalakas na pwersa sa buong planeta. Sapagkat marami rin silang problema sa kanilang buhay, sa kanilang bansa, marami pa silang problema sa panlabas. Kaya dapat palakasin rin natin ang ating ekonomiya ang ating pwersang militar,” wika ni dating Senador Juan Ponce Enrile.