Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na umabot na sa 40,000 na mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino program (4Ps) ang humiling na maalis na sa listahan ng programa.
Ayon kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, marami sa mga dating benepisyaryo ng 4Ps ang umunlad na ang pamumuhay kaya sila na mismo ang humiling sa ahensya na tanggalin na sila sa listahan ng mga benepisyaryo.
Mababatid na una nang sinabi ng DSWD na target nilang alisin sa listahan ng 4Ps ang nasa 1.3 million na pamilya.
Samantala, ilan sa pinagbabasehan ng ahensya sa pagtatanggal ng isang benepisyaryo ang buwanang kita nito, kung walang pinag-aaral at kung napatunayang pinang-susugal lamang nito ang pera na natatanggap.