Sinampahan na ng kaso ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ang 42 personnel ng Bureau of Immigration (BI) na isinasangkot sa pastillas scam.
Isang uri ng katiwalian ang naturang scam kung saan pinapayagan ang iligal na pagpasok ng mga Chinese sa bansa kapalit ng pera na nakarolyo sa papel.
Sa 17 pahinang impormasyon, idinetalye ng Ombudsman ang pakikipagsabwatan ni Port Operations Division chief Marc Mariñas sa iba pang BI personnel at sa Empire International Travel and Tours para papasukin ang mga Tsino kapalit ng P10,000 kada isa.
Nakakolekta sila ng kabuuang P1.43-M halaga, na paglabag sa Section 3 of the Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Kabilang din sa sasampahan ng kasong Graft sina Senior Immigration officers Grifton Medina, Edwin Ortañez, Glenn Comia at iba pa.
Pinuri naman ni Senator Risa Hontiveros na siyang nangunguna sa pag-imbestiga ng senado ang resulta ng kaso na aniya’y tulong sa pagsugpo sa Human Trafficking sa bansa.