Umaabot sa 42,000 estudyante sa lalawigan ng Iloilo ang nasa frustration level sa kategorya ng reading comprehension.
Nakasaad sa frustration level na marunong magbasa ang isang estudyante subalit hirap itong makaunawa.
Ayon kay Dr. Roel Bermejo, Iloilo schools division superintendent, nagsagawa ng pretest sa first quarter ng school year ang Philippine Informal Reading Inventory Manual kung saan manual pretest sa English ang ibinigay sa mga grade 4 haggang grade 6 samantalang Pilipino naman sa grade 3 hanggang grade 6.
Gayunman, nilinaw ni Bermejo na walang dapat ikaalarma sa naturang resulta dahil pretest pa lamang ito at bago ang ibinigay na reading materials.
Binigyang diin ni Bermejo na ang Philipine Informal Reading Inventory Manual ay hindi lamang assessment tool sa pagtukoy ng holistic reading performance ng estudyante subalit malalaman din dito kung paano matutulungan ang mga mag-aaral para mapalawak ang kanilang reading skills.
Sa kabila nito, target ng Department of Education na maabot ang instructional level sa pamamagitan ng teacher directed instruction at independent level kung saan halos perfect ang oral reading at comprehension ng bawat estudyante.