Posibleng palawigin ng Maynilad ang water interruption matapos magkaroon ng adjustment sa isinasagawang pipe re-allignment partikular na sa mga tubo na ibinababa sa mga hukay o sa ilalim ng lupa.
Nabatid na kaniya-kaniyang hintay ang mga residente ng Sampaloc at Pandacan Maynila, Makati, Pasay at Parañaque City para sa kanilang rasyon ng tubig kung saan, pila-pila ang mga balde at gallon na gagamitin sa kanilang pag-iigib.
Bukod pa diyan, hinaharang at pinaparahan narin ng mga residente ang mga bumberong kanilang nakikita sa pag-asang maaabutan o mabibigyan sila ng libreng patubig.
Dahil dito, nasa tatlong milyong customer ng Maynilad na ang apektado kung saan, nagtitipid na sa pangluto, paglinis at pangligo ang mga residente sa nabanggit na lugar dahil sa problema sa kanilang tubig.
Sa ngayon, nakikipagtulungan na ang Maynilad sa Bureau of Fire Protection para sa pangangailangan ng mga residente habang humingi narin ng paumanhin ang Maynilad sa mga apektadong customer.—sa panulat ni Angelica Doctolero