Nilinaw ng Palasyo na wala pang inilalabas na desisyon ang IATF kaugnay sa polisiya ng paggamit ng face shield.
Ito’y matapos i-anunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno na aalisin na ang polisiyang nag-mamandato sa publiko na magsuot ng face shield sa lungsod maliban na lamang sa mga ospital at iba pang critical area.
Bukod sa Maynila, ipinatigil na rin sa Davao at Iloilo cities ang mandatory faceshield rule maliban sa mga crowded, confined at closed-contact spaces.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, dapat na sundin pa rin ng mga lokal na pamahalaan ang polisiya ng IATF hangga’t hindi pa ito binabago.
Ang lahat anya ng desisyon ng IATF ay ni-raratipikahan o may basbas ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, ipinauubaya na ng malakanyang sa Department of Interior and Local Government ang naging hakbang ng ilang LGU kaugnay sa paggamit ng face shield. —sa ulat ni Jenny Valencua-Burgos (Patrol 29), sa panulat ni Drew Nacino