Nasa 44 na barangay sa Ilagan, Isabela ang isinailalim sa localized lockdown simula kahapon, Huwebes, dahil sa patuloy na pagsirit ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lungsod.
Ayon kay Mayor Jay Diaz, kailangang gawin ang lockdown hanggang ika-21 ng Abril para hindi na lumala ang sitwasyon at maging ligtas ang lahat.
Kabilang dito ang mga barangay ng Alibagu, Calamagui 2nd, Baligatan, San Vicente, Bliss Village, Baculod, Manaring, Guinatan, Osmeña, Bagumbayan, Alinguigan 1st, Centro San Antonio, Cabannungan 2nd, Malalam, Santa Barbara, Calamagui 1st, San Isidro, Aggassian at San Rodrigo.
Kinumpirma pa ni Diaz ang naitalang dalawang kaso ng UK variant sa lungsod at ang mga pasyente ay kapwa mayroong travel history na nahawa sa isang COVID-19 positive patient sa pinuntahan nilang lugar.
Puspusan naman aniya ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng dalawang nag positibo sa UK variant ng COVID-19.
Ang Ilagan City Health Office ay nakapagtala ng 260 active cases ng COVID-19 kung saan ang 98 suspected cases ay nakakalat sa mga barangay na isinailalim sa localized lockdown.