Nasabat ng Bureau of Customs-Port of Subic (BOC-POS) ang 44 containers ng misdeclared agricultural products mula China.
Ayon kay District Collector Maritess Martin, ang mga shipment ay dumating sa Subic noon pang Dec. 5, 9 at 10.
Nabatid na nag-isyu ng labimpitong alert orders at pre-lodgment orders ang ahensya laban sa mga kargamento na pag-aari ng Asterzenmed Inc. at Victory JM Enterprise OPC.
Sa mga nasabing containers, nasa dalawampu’t apat ang naka-consign sa Asterzen at dalawampu naman sa Victory JM.
Batay sa initial report, lumitaw na ang limang containers ay idineklarang naglalaman ng frozen shabu-shabu balls ngunit may halo itong mackerel, boneless buffalo meat at boneless beef.
Samantala, ang apat na containers naman na nakapangalan sa Victory JM ay sinasabing naglalaman ng tinapay o pastries pero may mga nakasingit na sariwang red onions at iba pang produkto.
Mahigit walumpung milyong piso (P81 milyon) ang halaga ng siyam na containers.