Pinaikli ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang binigay na ultimatum sa mga alkalde ng Metro Manila na linisin ang kanilang nasasakupan.
Ito’y matapos gawing 45 araw mula sa 65 araw.
Ayon kay DILG Usec. Epimaco Densing, naniniwala siyang kaya ng mga alkalde na malinis at matanggal ang mga sagabal sa mga kalsada gaya ng mga illegal vendor.
Posible namang mapatawan ng suspensyon o matanggal sa pwesto ang mabibigong maisakatuparan ang clearing operation sa kanilang lugar.
Mga alkalde ng Metro Manila walang angal sa ultimatum ng DILG
Wala namang anggal ang mga alkalde sa Metro Manila sa pinaikling ultimatum ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para linisin ang kanilang mga nasasakupan.
Sa pulong ng Metro Manila Council at kinatawan ng MMDA, sinabi ni Pasig City Mayor Vico Sotto na sapat naman ang panahon na binigay ng DILG para makatugon ang mga lokal na pamahalaan sa naturang utos.
Naniniwala naman si Manila Mayor Isko Moreno na kaya rin ng ibang alkalde na linisin ang kanilang lugar dahil nagawa niya rin aniya na pagandahin ang ibang parte ng Maynila sa loob lamang ng 48 oras.